Sinong Iboboto Mo?
Ni Melba Padilla Maggay, PhD
Sa halalang ito, nakita natin ang paglitaw ng dalawang kandidato na kumakatawan sa dalawang isyu na ayon sa mga survey ay pinakamahalaga para sa mga botante: ang corruption at ang kahirapan.
Si Noynoy Aquino ay nangunguna sapagkat pumukaw ng pag-asa na mabibigyan ng lunas ang mga katiwalian sa pamahalaan. Ang kanyang pangako: “Hindi ako magnanakaw.” Si Manny Villar ay nanguna rin sa mga unang survey dahil sa pangakong tatapusin niya ang kahirapan. Kung nagawa niya na umahon sa hirap para sa kanyang sarili, magagawa rin daw niya ito para sa buong bansa.
Gayun na lamang ang tindi ng korapsyon at kahirapan na naging pangunahing konsiderasyon ang mga ito sa pagpili ng napupusuang kandidato. May mga nagsasabi na kahit may ibang kandidato na higit ang kakayahan kay Noynoy, mas pipiliin pa rin nila ito bilang paniniguro na hindi mauulit ang garapal na pagnanakaw sa gobyerno. Gayun din, marami ang nahihikayat na bumoto kay Villar sa pag-asang aangat ang mahihirap kapag siya na ang nakaupo. Ngayon na si Villar ay bumababa ang ratings, mukhang ang sumasalo sa mga botong ito ay si Erap, na matagal na ring nagsasabi na siya ay ‘para sa mahirap.’
Dahil sa dalawang krisis na ito ng ating panahon, may mga kandidato na kahit lamang sa talino o may kakayahang mamuno, ay hindi umaangat sa surveys. Nariyan si Gibo Teodoro, o kaya’y si Dick Gordon, na kung tutuusin ay siyang may pinakamahabang karanasan sa pamamahala at may maganda namang track record na masasabi.
Si Jamby Madrigal, si Nicky Perlas, si JC de los Reyes at si Brother Eddie Villanueva ay pawang may mga kakayahan din at matibay na paninindigan. Subalit bakit mukhang malayo silang manalo?
Sa ganang amin, hindi lamang kagagawan ito ng mga surveys. May mga tinatawag na plausibility structures, o mga istruktura at mga puwersa sa ating lipunan na nagsisilbing konteksto upang mangyari ang isang bagay. May pangalan si Noynoy, halimbawa, may angkan na bantog sa ating kasaysayan. May pera naman si Villar upang mapalaganap ang mensahe na maaring mangarap ang mahirap. Nariyan din ang ating kalagayang panlipunan at kultura, na hindi naaakit sa mga usapang malayo sa sikmura, ika nga. Yung ginigiit natin na bigyang pansin ang plataporma at hindi lamang personality ay hindi naririnig sapagka’t sadyang mas interesado tayo sa tao at nabo-bore sa mga abstract at hindi mahawakan na mga usapin.
Sa madaling salita, may mga puwersa na kailangan upang mangyari ang isang bagay at magawa ang ating mga pinapangarap. Ang mga pagbabago ay nakasalalay, hindi lamang sa mga tao, kundi sa mga puwersang nakapaligid at may malaking impluwensiya sa paghubog ng anumang gobyernong uupo.
Kaya’t sa halalang ito, matamang isipin, hindi lamang ang pansariling katangian ng mga kandidato, kundi ang mga bagay na maaring magbigay ng puwersa o maging hadlang sa kanilang mga pinapangako.
Sino o ano, halimbawa, ang mga puwersang nakapaligid kay Gibo? Ano ang maaaring mangyari kapag mailuklok ang manok ng kasalukuyang administrasyon? May kakayahan ba si Gibong manindigan para sa katarungan kahit hindi ito ayon sa kagustuhan ng kanyang padrino? Maaari ding itanong, bakit umanib siya sa partido ng isang administrayong lublob sa korapsyon? Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa kanyang prinsipyo at pagde-desisyon?
Sakaling si Erap ay mahahalal, ano ang sinasabi nito tungkol sa antas ng ating pagpapahalaga sa kalinisan ng ating pamahalaan? Ano ang magiging papel ng mga cronies niya na nagsilbing midnight cabinet noon at kasa-kasama niya sa mga eskandalong nagpabagsak sa kaniya? Ano ang mga bagahe na dala-dala niya, ano ang mga puwersa na magtutulak sa kanya dahil sa dami ng kanyang mga anak at asawa na kailangang tustusan?
Gayun din, kaya ba ni Noynoy na sumalungat sa sari-saring interes ng mga nakapaligid sa kanya? May kakayahan ba siyang mamuno at manaig sa mga puwersang sa ngayo’y tumutulong sa kanya?
Ayon sa pananaliksik, lumago nang 29 times ang mga negosyo ni Villar simula nang siya’y maupo sa puwesto. Ano ang maaaring mangyari kung siya na ang pangulo ?
Maliwanag na tayo’y naghahangad ng lunas sa korapsyon at paghihirap. Sino sa mga kandidato ang tunay na may kakayahang manindigan laban sa katiwalian at isulong ang kaunlaran ?
Sa Lunes, gagawa tayo ng isang makasaysayang desisyon. Ang ating kapalaran sa mga susunod na taon ay nauukit, hindi sa ating mga palad, kundi sa ating mga puso at isipan na nagpapasiya kung ano ang tawag ng ating panahon. Ang atin bang pagboto ay ayon sa matuwid at makatarungang landas na hangad ng ating Panginoon ?
Lingid man sa atin, ang kalooban ng ating Panginoon ay nagaganap dito sa lupa sa pamamagitan ng kanyang mga anak na nagpapasiya at tumatalima ayon sa kanilang pakikinig sa yabag ng Banal na Espirito sa ating kasaysayan.
Ito po si Melba Padilla Maggay ng Institute for Studies in
--------------------------
Si Melba Padilla Maggay ay President ng Institute for Studies in
============
Ang Sa Ganang Amin ay isang bahagi ng Tawag ng Karunungan, programang pang-radyo para sa 'voter education' at mabuting pamamahala (good governance). Mapapakinggan ito Lunes hanggang Sabado 8:00-9:00 n.u. sa radyo, ipihit lang sa 702 DZAS-AM, o sa internet, i-kilk lang ang Listen Live 702 DZAS sa www.febc.ph
No comments:
Post a Comment